
Inisyuhan ng Show Cause Order (SCO) ng Land Transportation Office (LTO) ang dalawang driver at may-ari ng mga sasakyang sangkot sa isang viral road rage sa Cainta, Rizal.
Batay sa video na kumalat online, makikita ang isang driver na bumaba mula sa kaniyang sasakyan habang may dalang gamit at sinugod ang isa pang driver dahilan para umabot sa pisikalan at nakapanggambala ng daloy ng trapiko.
Napag-alaman rin ng ahensya na paso na ang lisensya ng isa sa mga sasakyan.
Sa inilabas na SCO ng ahensya, pinatatawag ang mga sangkot sa insidente at pinagpapasa ng beripikadong komento o pahayag kasama ang mga kaukulang dokumento kung bakit hindi dapat sila masampahan ng reklamo.
Bukod pa rito, pansamantala ring isususpinde ng 90 araw ang mga lisensya ng mga driver habang isasailalim sa alarm status ang mga sasakyan.
Nagpaalala si LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi nila tatanggapin ang pag-uugali na nagdudulot ng ng panganib sa ibang motorista.










