LTO, nagpalabas ng Show Cause Order laban sa may-ari at driver ng sasakyang gumamit ng blinker at nagpanggap bilang diplomat

Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) laban sa may-ari at driver ng isang itim na Volkswagen Jetta na nag-viral sa social media.

Ang nasabing sasakyan ay gumamit umano ng blinker at sirena habang binabaybay ang Quezon Avenue malapit sa Araneta Avenue.

Bukod dito, nagpanggap umanong diplomat ang sakay ng sasakyan upang makalusot at mapagbigyan sa daloy ng trapiko, na nagdulot ng abala sa ilang mga motorista.

Ayon sa inilabas na SCO, inaatasan ang rehistradong may-ari at driver ng sasakyan na humarap sa pagdinig ng Intelligence and Investigation Division ng LTO at magsumite ng beripikadong pahayag, kasama ang mga orihinal na dokumento, upang patunayan na hindi sila dapat patawan ng parusa.

Samantala, sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng driver ng nasabing sasakyan at inatasang isuko ito sa LTO bago ang itinakdang petsa ng pagdinig. Isinailalim din sa alarm status ang nasabing sasakyan.

Babala ng LTO, kung hindi haharap ang mga sangkot, pagpapasiyahan ang kaso batay sa mga ebidensyang nakalap ng ahensya.

Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na hindi pinapayagan ng ahensiya ang sinumang indibidwal o grupo na gumamit ng ilegal at mapanlinlang na paraan upang magkaroon ng espesyal na pribilehiyo sa kalsada.

Dagdag pa niya, ang pagpapanggap bilang diplomat at maling paggamit ng signal devices ay hindi lamang paglabag sa batas kundi nagbabanta rin sa kaligtasan at kaayusan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

Facebook Comments