
Nag-isyu ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) kaugnay ng viral video na inilathala sa online platform na “Visor” noong January 16.
Dahil dito, sinuspinde ng 90 araw ang lisensya ng nasabing truck driver, habang inilagay naman sa pansamantalang alarm status ang sasakyan nito habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa naturang video, makikita ang isang trailer truck na pagewang-gewang at mabilis na tumatakbo sa kahabaan ng isang makitid na residential road sa Sapang Bato, Valenzuela City.
Muntik na ring makabangga ng truck ang ilang kasabay na motorista, na nagdulot ng matinding panganib sa mga naglalakad at iba pang dumaraan sa nasabing kalsada.
Dahil dito, inatasan ang registered owner ng truck at ang driver nito na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO upang magsumite ng kanilang verified statements at ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng mga kasong reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Sakaling hindi sila tumalima, ito ay ituturing na pag-waive sa kanilang karapatang marinig, at maaari silang sampahan ng kaukulang kaso batay sa mga ebidensyang hawak ng mga awtoridad.










