LTO, nakapagpagawa ng dagdag pang mga plaka ng motorsiklo

45

Tumaas na sa 1.4 milyon ang plaka ng motorsiklo na naipagawa ng Land Transportation Office (LTO).

Sa nabanggit na bilang, ang 875,000 ay naipamahagi na sa regional offices, 298,000 naman ay nasa mga dealer ng motorsiklo at ang 400,000 ay in-transit.


Ang nabanggit na bilang ay ibinahagi ni Chief at Assistant Secretary Edgar Galvante sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ukol sa Motorcycle Crime Prevention Law.

Magugunitang sa nagdaang hearing ay nagalit si Gordon dahil sa atrasadong pag-iisyu ng pinalakihan at color-coded na plaka para sa motorsiklo kahit dalawang taon ng naipasa ang batas.

Ayon kay Galvante, target nilang sa June 2022 ay matapos na ang 18 milyong mga plaka para sa motorsiklo.

Kaugnay nito ay iminungkahi ni Gordon na magtayo na rin ng planta o paggawaan ng plaka sa iba pang bahagi ng bansa o kaya ay sa New Bilibid Prison para kuning trabahador ang mga preso.




Facebook Comments