LTO, nilinaw na hindi pagkakakitaan ng ahensya ang implementasyon ng doble plaka

Manila, Philippines – Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na hindi pagkakakitaan ng ahensya ang mga plaka na ikakakabit sa harap at likuran ng motorsiklo.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Edgar Galvante, minimal lamang ang additional cost sa mga magpaparehistro ng motorsiklo.

Ikokober lamang nito ang cost ng design ng additional plate.


Aniya, binabalangkas na ng binuong Technical Working Group (TWG) ng LTO ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng Motorcycle Crime Prevention Act o doble plaka law.

Pinaplantsa na aniya nila ang mga materyales at sukat para sa mga plaka na ikakakabit sa harap at likuran ng motorsiklo.

Kasunod nito, ipinakita rin sa media ang initial design ng plaka na color coded base sa rehiyon.

May laki itong 198 mm x 220 mm at font size na 57 mm x 26 mm para matiyak na ‘visible’ o makikita pa rin ng publiko sa layong 15 metro.

Sinabi pa ni Galvente na nakipagpulong na sila sa mga motorcycle manufacturer kaugnay sa implementasyon ng nasabing batas.

Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, bukas sila sa anumang suhuwestyon na maaaring isama sa IRR.

Facebook Comments