
Wala umanong kautusan mula sa Department of Transportation (DOTr) na papataw ng multa ang mga may-ari ng sasakyan na hindi agad makakakuha ng kanilang license plates.
Ito ang nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) kasunod ng mga ulat na mayroon umanong P5,000 multa para sa mga may-ari ng sasakyan na hindi agad makakakuha ng license plates at patuloy na gumagamit ng improvised plates.
Ayon sa LTO, nakatuon ngayon ang lahat ng kawani nito sa pagpapatupad ng mga hakbang upang maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maipamahagi ang lahat ng plaka sa loob ng tatlong buwan, matapos na maalis ang backlog noong June 30.
Hinimok din ng LTO ang mga may-ari ng sasakyan na agad kunin ang kanilang original o replacement plates sa pamamagitan ng online platform na LTO Tracker o kaya ay pumunta sa tanggapan ng ahensya.
Inatasan din ng ahensya ang mga Regional at District Offices nito na palakasin ang information drive ukol sa distribusyon ng plaka upang maabot ang mas maraming vehicle owners, lalo na ang mga motorcycle rider.









