LTO official na sangkot sa korapsyon, pinangalanan ng Palasyo

Isiniwalat ng Malacañang ang isang regional officer ng Land Transportation Office (LTO) na dawit sa pangingikil mula sa mga motorcycle dealers sa Cebu Province para i-facilitate ang vehicle registrations.

Kinumpirma ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang tinutukoy na opisyal ay si Victor Caindec, regional director ng LTO sa Central Visayas.

Ayon kay Roque, nakakuha siya ng mga sinumpaang-salaysay kung saan nakasaad ang mga alegasyon ng korapsyon laban sa public official.


“Okay, since Caindec brought out his own name, yes, I was referring to Caindec. I have affidavits to prove po na kinikikilan niya iyong mga motorcycle distributors, and this is a matter of public document already,” sabi ni Roque.

Iginiit ni Roque na ang mga motorcycle dealer ay pwedeng magparehistro ng kanilang sasakyan sa labas ng Cebu matapos niya ipaabot ang isyung ito kay LTO Assistant Secretary Edgar Galvante.

Plano ni Roque na i-akyat ang usapin ito sa nakatataas na liderato.

“Zero corruption ang Presidente,” giit ni Roque.

“Ang mga corrupt, magtago na kayo, sisipain kayo ng Presidente sa gobyerno,” dagdag pa ng Palace official.

Una nang itinanggi ni Caindec ang mga alegasyong ibinabato sa kaniya ni Roque at sinabing nais siyang sibakin matapos niyang ibunyag ang mga anomalya sa pagpoproseso ng vehicle registration, kabilang ang tax evasion ng ilang dealers.

Facebook Comments