Palalakasin ng Land Transportation Office (LTO) ang information drive sa online car registration.
Ito ang inanunsyo ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II matapos na lumabas sa datos ng LTO na nasa 1% lang ng mga sasakyan sa bansa ang gumagamit ng digital transaction para sa pagpaparehistro at pagre-renew ng rehistro ng mga motorsiklo.
Ayon kay Mendoza, may kapasidad na ang LTO para sa online registration kaya hindi na kailangan pang pumunta sa tanggapan ng LTO para ipa-rehistro ang mga motorsiklo.
Target ng LTO na baguhin ang kasalukuyang datos at pataasin ang bilang ng mga car at motorcycle owner na gumagamit ng online platform sa pakikipagtransaksyon sa LTO.
Kaugnay nito ay nakikipagpulong na rin ang opisyal sa iba’t ibang car at motorcycle dealers upang ipagbigay alam sa mga ito ang online services ng ahensya.
Sa ngayon, pinaplano na rin ng LTO na magkaroon ng online renewal transactions sa driver’s license sa susunod na taon.