Mariing kinontra ni House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto ang plano ng Land Transportation Office o LTO na pagmultahin ang mga may-ari ng mga sasakyang hindi pa kinukuha ang plaka mula sa ahensya.
Giit ni Recto, kay tagal hinintay ng mga motorista ang matagal ng bayad at pinakaaasam na mga plaka kaya dapat ay konsidersyon ang isukli sa kanila at hindi ang pananakot ng dagdag na singil kung hindi agad makuha.
Ipinunto ni Recto na kung hindi nainip ang mga motorista sa mahabang lamay, bakit mag-de-demand ng ora-oradang pagtubos ang LTO na tila ba wala silang kasalanan sa pagkakaburo ng mga plaka?
Kung tutuusin, ayon kay Recto, LTO ang dapat magbigay ng interes bilang danyos perwisyo sa pagkabimbin ng isang mahalagang katibayan ng pag-a-ari ng isang behikulo.
Diin ni Recto, hindi dapat ipasa ng LTO sa mga motorista ang paninisi at pagkukulang nito.