LTO, pinabulaanan ang kumakalat na impormasyon hinggil sa panibagong memo at panghuhuli kasama ang HPG

Mariing pinabulaanan ng Land Transportation Office (LTO) ang kumakalat online na impormasyon na nagsasabing magsasagawa ang LTO at Highway Patrol Group (HPG) ng random inspeksiyon sa mga imported, project, at exotic cars upang suriin ang importation documents, tax papers, at i-cross check ang engine numbers.

Ayon sa LTO, wala silang inilabas na anumang memo na nagsasaad na maniniket sila ng mga sasakyang lampas limang taon dahil umano ay “not roadworthy.” Fake news din ang ulat na huhulihin ang mga sasakyang may “illegal modifications” tulad ng malalakas na tambutso.

Nilinaw ng ahensya na wala silang inilabas na bagong direktiba, polisiya o memo na may kinalaman sa naturang regulasyon.

Hinimok ng LTO ang publiko na mag-verify muna ng impormasyon sa kanilang opisyal na website at social media pages, at iwasang magbahagi ng hindi beripikadong posts na maaaring magdulot ng pagkalito o hindi kinakailangang pangamba.

Facebook Comments