Ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II ang masusing imbestigasyon sa naganap na aksidente sa Tondo, Maynila na kinasasangkutan ng isang trailer truck at isang delivery van kung saan nasawi ang driver nito noong Huwebes, Oktubre 12.
Sinabi ni Mendoza na inatasan na niya si Land Transportation Office (LTO)-National Capital Region (NCR) Director Roque Verzosa III na mag-isyu ng show cause order (SCO) sa may-ari ng trailer truck at sa driver nito na kinilalang si Marlon Valdez Ilas.
Ang utos ni Mendoza ay batay sa napaulat sa pagkamatay ng driver ng delivery van na si Benjamin Endrina Bagtas matapos na maipit sa pagitan ng kanyang van at ng trailer truck.
Batay sa police report na nakuha ng LTO, kapwa nag-cut ang mga driver ng delivery van at trailer truck sa Southbound ng Mel Lopez Boulevard sa Tondo.
Bumaba si Bagtas sa sasakyan sa van pero sinuyod siya ng trailer truck na nagresulta upang maiipit ang biktima.
Idineklarang patay sa ospital ang biktima habang nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang driver ng trailer truck at nahaharap sa kasong kriminal.