Target ngayon ng Land Transportation Office (LTO) na matapos ang hanggang 90% ng produksyon ng mga backlog nito ng mga plaka ng sasakyan sa katapusan ng taong 2023.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, gagamitin ng LTO ang sariling planta nito upang makagawa ng mga plaka kahit ilang porsyento ng kabuuang kakulangan bago matapos ang taon.
Dagdag ni Guadiz, para naman sa mga plakang hindi matatapos magawa ngayong taon ay plano ng ahensya na kumuha ng serbisyo ng pribadong kompanya upang kayaning makumpleto ang kahit 90-porsyento ng backlog pagsapit ng Disyembre ng susunod na taon.
Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P4.7 bilyong pondo para tugunan ang mga backlog sa mga plaka ng sasakyan bagama’t ang hininging pondo ng LTO ay nasa P6.83 bilyon.
Gayunman, nananatiling positibo ang LTO chief na maaaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang buong pondo na hinihingi nito para sa mga backlog ng plaka ng sasakyan.
Sa ngayon ay umaabot sa 2.3 milyong pares ng replacement plates o ang pagpapalit ng mga plakang may berdeng character at puting background tungo sa itim na character at puting background ang kailangang matapos.
Mayroon namang 11.5 milyon ang backlog para sa mga plaka ng motorsiklo.
Batay sa datos ng LTO Plate Plant, umaabot na sa mahigit 300,000 pares ng replacement plates ang nagawa hanggang noong Oktubre 3 ng kasalukuyang taon na nagsimula ang produksyon ng replacement plates nitong Mayo.
Samantala, binigyang-diin ni Guadiz na walang backlog ang LTO sa paggawa ng mga plaka para sa mga bagong rehistrong sasakyan.