Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang pagpapatupad ng mga batas-trapiko bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.
Kasama sa mga hakbang ng ahensya ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga terminal at lansangan, pagpapatupad ng “No Registration, No Travel” policy, at operasyon laban sa mga kolorum na sasakyan.
Magkakaroon din ng mas maraming enforcer sa mga pangunahing kalsada at transport hubs upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at tulungan ang mga motorista.
Ayon sa LTO Region 1, layunin ng mga hakbang na ito na maiwasan ang mga aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng publiko sa biyahe.
Hinimok din ng ahensya ang mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang mga sasakyan bago bumiyahe.









