Cauayan City, Isabela- Nanindigan si LTO Region 2 Director Romeo Sales na walang fixer sa kanilang ahensya.
Ito ang tugon ng opisyal sa isyu ng umano’y talamak pa rin na Gawain sa pagkuha ng driver’s license sa kanilang ahensya.
Binigyang diin ni Sales sa isang programa na walang ‘fixer’ sa loob ng tanggapan dahil mahigpit itong ipinagbabawal at kinakailangan umanong dumaan sa tamang proseso ang lahat ng kukuha ng lisensya.
Ayon sa Director, hindi umano niya hahayaang mangyari ang ganitong maling gawain habang siya ang namumuno sa ahensya at ang kanyang palagiang pagpapaalala sa lahat ng empleyado ng ahensya na ang pagiging fixer ay isang uri ng krimen.
Samantala, inihayag naman ni LTO Assistant Regional Director Manuel C. Baricaua ang pagbabago sa Sistema ng pagkuha ng lisensya ngayong kinakailangan ng biometrics at picture para sa mga kukuha ng lisensya na hindi maaaring dayain ng fixer.
Papapanagutin naman ang mga mapapatunayang fixer na maaaring maharap sa kasong RA 9485 o “Anti Red-Tape Act at maaaring humantong sa pagkatanggal sa serbisyo ang isang empleyadong mapapatunayang gumawa ng iligal.
Maaaring makulong ng anim (6) na taon at pagmultahin hanggang P200,000 ang taong lalabag dito.