
Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-day na preventive suspension ang lisensya ng driver na umararo sa ilang sasakyan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, pinapaharap sa September 4 ang Mersan Snow White Transport, ang kompanyang nagmamay-ari ng naturang pampasaherong bus upang pagpaliwanagin kung bakit dito ito dapat papanagutin.
Batay sa imbestigasyon, umabot sa walong sasakyan kabilang ang ilang motorsiklo ang nasangkot sa insidente sa bahagi northbound lane ng Commonwealth Avenue kahapon, na nagresulta sa pagkakasugat ng hindi bababa sa 10 indibidwal.
Nahaharap ang bus company sa kasong “employing a reckless driver,” habang kinasuhan naman ang driver ng “reckless driving” at “Improper Person to Operate a Motor Vehicle,” na maaaring magresulta sa tuluyang pagbawi ng kanyang lisensya.
Inilagay sa alarma ang pampasaherong bus upang hindi magamit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.









