LTO, sinuspinde ang drivers license ng rider na nag-viral dahil sa motorcycle stunt

Pinatawan ng suspensyon ng Land Transportation Office (LTO) ang drivers license ng rider na nag-viral dahil sa motorcycle stunt nito.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II, pinagbatayan nila ang mga nakalap na ebidensya laban sa sangkot na rider.

Nag-isyu na din ng show cause order sa rehistradong may-ari ng motorsiklo upang alamin kung ito mismong ang nagsagawa ng motorcycle stunt.

Pinahaharap ang registered owner sa imbestigasyon ng LTO para ipaliwanag din kung bakit walang license plate ang gamit niyang motorsiklo base sa nag-viral na video.

Sa viral video, ang rider na sakay ng Honda motorcycle ay nakitang gumagawa ng stunts, nagsasayaw at iba pang reckless acts habang nasa kalsada.

Ayon kay Asec. Mendoza, mahaharap ang rider sa kasong Reckless Driving and being an Improper Person to Operate a Motor Vehicle na may maximum penalty ng license revocation.

Kakasuhan naman ang may-ari ng sasakyan ng Failure to Attach Motor Vehicle License Plate.

Facebook Comments