LTO, sinuspinde na ang driver’s license ng Korean sa viral video na nag-amok sa Clark Freeport Zone

Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension sa driver’s license ng isang Korean na nag-amok sa loob ng Clark Freeport Zone noong nakaraang linggo.

Sa nakarating na report kay LTO Chief Asec. Vigor Mendoza, sinadyang diumanong sagasaan ng Koreano ang motorsiklo ng isang security guard at kalaunan ay inararo ang isang gasoline pump malapit sa isang gasoline station habang sakay ng kanyang SUV nagresulta sa pagliyab.

Sinabi ni Mendoza na naglabas na rin sila ng Show Cause Order para paharapin sa pagdinig ang dayuhan sa kanilang regional office sa Pampanga.


Tiniyak ng LTO chief na oobserbahan ang due process kasabay ng pagtiyak na ipapataw nila ang karampatang parusa.

Iginiit ng LTO na dahil sa ginawa ng koreano, inilagay nito sa panganib ang buhay ng ilang indibidwal at nagdulot ito ng pinsala sa mga ari-arian.

Facebook Comments