LTO, sisiguraduhing mananagot sa batas ang driver na nakasakit sa kanilang enforcer

Sisiguraduhin ng Land Transportation Office (LTO) na mananagot sa batas ang isang driver ng SUV na nakasakit sa isa nilang enforcer.

Sa inilabas na pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III, hindi nila palalagpasin ang mga ganitong uri ng insidente at kinakailangang harapin ng mga pasaway na driver ang kanilang pagkakamali.

Nabatid na nangyari ang insidente nang pahintuin ng LTO enforcer na si Butch Sebastian ang isang SUV na minamaneho ng isang kamag-anak ng alkalde sa Metro Manila matapos lumabag sa batas trapiko.


Sa halip na tumigil, inilabas nito ang wang-wang at blinker saka mabilis na umalis kung saan nadaanan nito ang paa ng enforcer habang nasa EDSA Busway, Caloocan City.

Pinadalhan na ng LTO ng magkahiwalay na show cause order ang driver at may-ari ng SUV at kinakailangan nilang magpakita sa tanggapan ng LTO sa October 19, 2022 (Wednesday) alas-10:00 ng umaga.

Pero ang indibidwal na nakapangalan sa SUV ay hindi na pala nakatira sa nakasaad na address sa record ng rehistro nito kaya sisikapin ng LTO na matunton ito.

Facebook Comments