
Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na tututukan nila ang kaso ng driver ng dump truck na sangkot sa naganap na road crash incident sa Luna, Isabela na ikinasawi ng tatlong indibidwal at ikinasugat ng walo.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, papanagutin ang driver kung mapatutunayang may paglabag ito sa batas trapiko batay sa resulta ng isinasagawang imbestigasyon.
Una nang nag-isyu ang LTO Region 2 ng Show Cause Order (SCO) laban sa driver, kung saan siya ay inaakusahan ng reckless driving at improper person to operate a motor vehicle.
Binibigyan ang driver ng tatlong araw mula sa pagtanggap ng SCO upang magsumite ng paliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kaniyang driver’s license.
Kung hindi naman makapagsusumite ng paliwanag ang driver, ituturing ito bilang pagbabalewala sa karapatang madinig ang kaniyang panig, at pagpapasiyahan ang kaso batay sa ebidensyang hawak ng ahensya.










