
Nagbabala ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) na magdudulot ng malaking panganib sa kaligtasan ng mga pasahero ang isang kulorum na sasakyan dahil hindi ito sumasailalim sa mga kinakailangang safety inspection at wala ring insurance.
Ang babalang pahayag ngayon ng LTO sa gitna pa rin ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagsisiuwi sa iba’t ibang mga probinsya ngayong Semana Santa.
Giit ni LTO-NCR Regional Director Roque Verzosa III, huwag tangkilikin at iwasan ang pagsakay sa mga kulorum na sasakyan na palihim ang operasyon at walang terminal.
Paliwanag pa ni Verzosa na bukod sa usapin ng kaligtasan at kawalan ng insurance sa magkaroon ng aksidente, ang operator ng kolorum na sasakyan ay umiwas sa mga regulasyon ng gobyerno, buwis, at safety checks.
Dahil dito ay hinihikayat ng LTO ang publiko na i-report sa mga awtoridad ang anumang hinihinalang aktibidad ng kulorum na kadalasang pabulong o sa paraan lamang ng pakikipag-usap kung kumuha ng pasahero.