Hindi makikiisa sa tigil-pasada sa Lunes ang Liga ng Transportasyon at Opereytors sa Pilipinas o LTOP maging ang Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines o ALTODAP.
Ito ang inihayag ng dalawa sa malalaking transport organization kasunod ng nakatakdang tigil-pasada ng grupong ACTO na karamihan sa mga miyembro ay mga UV Express.
Ayon kina LTOP Chairman ka Lando Marquez at ALTODAP Secretary – General Aquilino Maribojoc, hindi makakatulong sa kabuhayan ng mga tsuper, operator at kanilang pamilya lalo na sa mga mananakay ang gagawing ito ng ACTO.
Pahayag pa ni Ka Lando Marquez ng LTOP, nalilihis ang pag-unawa ni ACTO President Efren de Luna sa usapin ng Transport Modernization Program ng gobyerno.
Wala aniyang alam ang lider ng ACTO dahil hindi naman ito dumadalo sa ipinatatawag na pagdinig ng DOTr-LTFRB para dito.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Maribojoc sa gobyerno na atasan ang mga bangko na luwagan ang hinihinging mga requirements para mas maengganyo pang sumunod ang sektor ng transportasyon sa kabutihan ng modernisasyon.