Nagpasaklolo na ang grupong Liga ng Transportation at Operators (LTOP) sa House Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagkakatanggal ng maraming pampasadang jeepney sa kanilang mga dating ruta.
Idinadaing kasi ng LTOP na mga mini buses na ang pumalit sa mga binuksang ruta.
Ayon kay LTOP President Lando Marquez, napilitan silang dumulog sa Blue Ribbon Committee sa Kamara matapos na hindi sila asikasuhin ng House Committee on Transportation.
Giit ni Marquez, dapat ay muling ipatupad ang naunang Memorandum Order ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na nagtatakda na dapat ay may konsultasyon muna bago muling pabalikin sa mga ruta ang mga jeepney operators.
Prayoridad din ang mga jeepney sa kanilang mga ruta basta’t sumunod lamang sa vehicle classification sa ilalim ng Road Rationalization and Consolidation program.
Sa naturang paghaharap ay pinadalo at tinanong sina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) member Ronaldo Corpuz at DOTr Assistant Secretary Mark Pastor.