Lubos na partisipasyon ng mga Pilipino sa eksplorasyon ng yamang mineral, iginiit ng CHR kasunod ng pagkatanggal sa 9-year ban sa bagong mining agreement

Nanawagan ang Commission on Human Rights (CHR) sa gobyerno na ipatupad ang human rights-based approaches sa paggamit ng natural resources kasunod ng pag-alis sa 9-year moratorium sa mga bagong mining agreements.

Ayon kay CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia, kabilang sa dapat ipatupad ay ang pagtitiyak na may lubos at direktang partisipasyon ang mga Pilipino sa exploration ng mga yamang mineral ng bansa.

Aniya, mahalagang bigyan din ng importansya ng gobyerno ang mga batas at regulasyon na kumikilala sa karapatan ng mga indigenous people at ang nagsasariling gobyerno ng mga lokal na pamahalaan.


Dapat aniya istriktong i-monitor ang mga Environmental Impact Assessment o mas makabubuti kung makabuo ng bagong patakaran na titiyak na poprotekta sa standard of living at sa human rights ng mga nasa loob ng mga komunidad na masasakupan ng mga mining operations.

Giit ni De Guia, ang mga kita na manggagaling sa mining operations ay dapat magamit sa mga kongkretong programa para sa kapakinabangan ng komunidad.

Hamon ng CHR sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), maglagay ng dagdag na environmental safeguards na gagabay sa mga mining activities.

Sa tulong ng mga partner agencies, nangako ang CHR na patuloy na imo-monitor ang mga human rights compliance sa mining industry.

Facebook Comments