Kung walang magiging ligal na balakid, tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos na mapapasara ang Lucky South 99.
Dito kasi nailigtas kahapon ang 43 Chinese nationals na pawang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na biktima umano ng human trafficking.
Ayon kay Abalos, hindi nila matiyak pa sa ngayon kung patuloy ang operasyon ng nasabing POGO.
Pero ang panigurado ay sasampahan nila ng reklamong human trafficking ang human resource manager ng nabanggit na POGO na si Chen Yi Bien alyas Ayi na nahuli kahapon.
Samantala, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na patuloy ang kanilang koordinasyon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para malinis ang industiya ng POGO mula sa mga kriminal.
Pero aminado si Azurin na halos walang nareresolba sa mga kasong may kaugnayan sa pagdukot sa mga Chinese nationals dahil hindi rin naman nila itinutuloy ang reklamo dahil pawang Chinese din ang involved sa kaso.