Kabilang ang mga bayan ng San Mateo, Echague, Ramon, at Cabatuan sa mga binabantayan ngayon ng pamahalaan upang masigurong hindi na kakalat ang nasabing sakit.
Ayon kay Dr. Belina Barboza, Provincial Veterinary Officer, ang bird flu ay dala ng migratory birds kaya mahigpit na binabantayan ang wetlands tulad ng Malasi Lake at Magat sa Ramon.
Maging sa bayan ng Aurora at ang palayan ng San Mateo na madalas puntahan ng mga nasabing uri ng ibon kung saan posibleng kontaminado ang Muscovy duck na nagtutungo sa bukirin.
Nauna rito, iniulat ni DA RFO 2 Executive Director Narciso A. Edillo na 411 layers, 25 broiler, 28 cockfighting o derby roosters, at isang kalapati ang nahuli sa Marabulig, 2, Cauayan City habang 2700 din ang nahuli sa Bantug, Alicia.
Naglagay din ng 1-kilometrong radius mula sa ground zero para pamahalaan at kontrolin ang pagkalat ng sakit sa parehong bayan.
Ang ahensya ay naglaan ng damage assistance sa mga apektadong magsasaka ng manok sa halagang P100 para sa bawat layer, P60 para sa broiler, P150 para sa derby cocks, at P15 para sa mga pugo at kalapati. Magmumula ang pondo sa quick response fund ng ahensya.
Maglalaan naman ang gobyerno ng P270, 000 para sa tulong dahil sa pinsala sa Bantug Petines habang hiwalay na magbibigay tulong ang Provincial Government.
Kaugnay nito, naglatag na ng checkpoint sa mga bayan ng Cordon, Quezon, Sta Maria, at San Pablo bilang entry point.
Nagbabala si Barboza sa mga kinauukulan na iulat kaagad ang pagkakaroon ng sakit sa kanilang mga manok.