Nakahanda na ang apat na covered court na pagdadalhan ng mga pasaway na residente ng sampaloc na lalabag sa ipapatupad na hard lockdown ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila.
Nabatid na magsisimula ang 48-hours na hard lockdown mamayang alas-8:00 ng gabi hanggang alas-8:00 din ng gabi sa araw ng Sabado.
Kabilang sa mga covered court na pagdadalhan ay sa Brgy. 468, 424, 581 at 420
Bukod sa mga tauhan ng Manila Police District, magbabantay at mag-iikot din ang nasa 150 sundalo para masigurong hindi lalabas ang mga residente lalo na’t malawak ang distrito ng Sampaloc.
Kasama din ng MPD sa pagbabantay ngayong umaga ang tauhan ng ilang mga barangay sa mga palengke partikular sa Trabajo Market na inaasahang dagdagsain ng mga residente para bumili ng kanilang mga pangangailangan lalo na’t dalawang araw silang hindi maaaring lumabas.
Sa panahon ng lockdown, kanselado ang mga quarantine pass at tanging mga pulis, militar, barangay opisyal at tanod, health care workers at accredited media ang papayagang lumabas.
Kasama din dito ang mga service workers mula sa pharmacies, drug stores at punerarya habang magsasagawa naman ng disease surveillance, rapid risk assessment at testing operations kontra COVID-19 sa nasabing lugar.
Sa pamamagitan ng hard lockdown, naniniwala ang lokal na pamahalaan na bababa na ang positibong kaso ng COVID-19 sa sampaloc district na kasalukuyang nasa 108 ang bilang habang 127 ang probable cases.