Lugar na pagdarausan ng inagurasyon ni VP-Elect Sara Duterte, bantay sarado na

Puspusan na ang ginagawang pagbabanatay sa San Pedro Square sa lungsod ng Davao, para sa inagurasyon ng ika-15 pangalawang pangulo ng bansa na si Vice President-elect Sara Duterte.

Ayon kay Davao City Police Spokesperson Major Ma. Teresita Gaspan, mahigpit na ang seguridad sa paligid at border points ng pagdarausan ng inagurasyon.

Habang iinspeksyunin din ang lahat ng sasakyan at pasaherong daraan sa nasabing lugar kada tatlong oras. Para maitiyak na walang makakalusot na anumang maaaring makapagdulot ng gulo.


Sarado na rin ang ilang kalsada at inabisuhan na ang mga maaapektuhang motorista na dumaan sa itinakdang alternatibong ruta.

Samantala, itinalaga naman ang freedom park bilang lugar para sa mga magsasagawa ng kilos-protesta.

Inaasahang nasa 25k indibidwal ang dadalo sa nasabing inagurasyon pero paalala ng otoridad, iwasan na lamang ang pagdadala ng bata.

Nagpalabas naman ng pahayag si Duterte na magiging maikli lamang ang kaniyang inaugural speech na may temang kapareho ng mga mensahe niya noong panahon ng kampanya

Kinumpirma naman ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. na dadalo siya sa inauguration ni Vice President-elect Sara Duterte at bibisitahin ang home town nito.

Matatandaan din na una nang kinumpirma ni President Rodrigo Roa Duterte na dadalo siya sa inagurasyon ng kaniyang anak.

Facebook Comments