Ipinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) kung paano pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga line items na direktang i-vineto sa 2025 budget.
Partikular dito ang ₱26-B mula sa proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Budget Undersecretary Goddess Hope Libiran, batay kasi sa lumabas na bicameral conference committee version ng General Appropriations Bill, nadagdagan ng ₱288-B ang pondo ng DPWH kumpara sa orihinal na budget.
Kaya clinasify ng DPWH ang mga congress-introduced changes o mga insertion at dito natuklasan na ang ilan sa mga proyekto ay hindi pa handang ipatupad kahit paglaanan ng pondo.
Bukod dito, tinanggal din ang mga natukoy na popondohang proyekto na balak itayo sa mga lugar na hindi naman daw mahanap sa mapa.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinakinggan nila ang publiko at maingat na hinimay ang budget bago ito nilagdaan bilang batas.