Lugi ng gobyerno dahil sa mga fake PWD IDs, pumalo sa ₱88 billion

Aabot sa P88 billion ang nalulugi sa gobyerno dahil sa paglaganap ng mga gumagamit ng pekeng Person with Disability (PWD) card.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Ways and Means, na ang nasabing halaga na nawawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa fake PWD IDs ay nagdudulot ng malubhang pinsala sa ekonomiya dahil sa mga hindi kwalipikadong discounts na nagpapababa sa kita ng bansa.

Pinakaapektado ng pekeng PWD IDs ang mga restaurants kung saan mula sa 5% noong 2022 ay tumaas na ngayon sa 25 percent ang apektadong restaurants dahil dito.


Umaaray na rin sa mga pekeng PWD IDs ang mga supermarkets dahil otomatiko silang nagbibigay ng 5 percent discount at wala silang kakayahang matukoy kung peke o hindi ang ID.

Mismong si Gatchalian ay umaming may mga kaibigan siyang may authentic PWD IDs pero wala namang kapansanan at ito’y inisyu pa ng isang lokal na pamahalaan.

Batay pa sa research ng tanggapan ni Gatchalian, aabot sa 8.5 million ang gumagamit ng pekeng PWD card sa bansa.

Facebook Comments