Lugi ng hog raising industry dahil sa ASF, P200-B na; pagdedeklara ng national state of emergency, hindi pa kailangan sa ngayon —DA

Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na hindi pa kailangan sa ngayon na magdeklara ng national state of emergency dahil sa african swine fever (ASF).

 

Kasunod ito ng panawagan ng grupo ng mga magbaba-baboy kay Pangulong Bongbong Marcos na maglabas ng emergency use authorization ng ASF vaccines para gawing malawakan ang pagbabakuna sa mga alagang baboy.

 

Sa interview ng DZXL News, sinabi ni DA Asec. Arnel de Mesa na natutugunan pa naman sa ngayon ng ahensya ang problema sa ASF.


 

“Sa ngayon, sa tingin ng kagawaran dito, basta magkaroon ng tuloy-tuloy na pagbabakuna ay masisigurado natin na masasawata natin yung ASF,” saad ni De Mesa.

 

Bukod dito sa A-VAC vaccine ay meron tayong ibang mga bakuna na on trial din,” dagdag niya.

 

Matatandaang iginiit ni Pork Producers Federation of the Philippines Chairman at AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones ang kahalagahang magkaroon ng sabayan at malawakang pagbabakuna upang masawata ang AFP sa lalong madaling panahon.

 

Aniya, mula 2019, nasa anim na milyong baboy na ang tinamaan ng ASF sa bansa na katumbas ng P200-B pagkalugi sa industriya ng hog raising.

 

“Ang kailangan talaga, magkaroon ng emergency use authorization through national state of emergency at magkaroon ng sabay-sabay, sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan, yung 6.3 million naniniwala ako mababakunahan lahat kaya ligtas na ‘yon.” giit ni Briones.

 

“Yung lang ang solusyon para kaagad mailigtas natin ang 12.6 million na piglets to fattener na pakikinabangan ng ating kababayan na hindi nagkakandalugi ang ating magbababoy,” saad pa ni Briones sa panayam ng DZXL News.

Facebook Comments