Manila, Philippines – Tinawagan na ng pansin ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglabag ng Del Monte Land Transport Bus Company (DLTB Co.) sa umiiral na nose-in, nose-out policy sa lahat ng terminal ng bus sa kahabaan ng EDSA.
Ito ay matapos makipag-ugnayan sa Department of Transportation at MMDA si Presidential Communications Assistant Secretary Margaux ‘Mocha’ Uson nang makatanggap ito ng reklamo sa pamamagitan ng Facebook mula sa isang concerned citizen.
Ayon kay ASec. Uson, makikita sa video ng isang Arvin Cardiel ang paglabas pasok ng mga bus units ng DLTB sa kanilang terminal sa Pasay-Buendia na labis na nagdudulot ng matinding pagsisikip sa trapiko.
Nangako naman si Transportation Undersecretary for Roads Tim Orbos na siya ring pinuno ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) na aaksyunan ang problema at papatawan ng parusa ang naturang kumpanya ng bus.
Nahaharap sa kasong obstruction at disregarding traffic signs ang DLTB na ayon pa kay Orbos ay mas lalong tumibay ang kanilang panukala sa pangangailangan na tanggalin na sa kahabaan ng EDSA ang mga bus terminals.
Matatandaan noong nakaraang taon, mahigit sa siyam na terminal ang ipinasara ng MMDA dahil sa paglabag sa nose-in, nose-out policy.