LUMABAG | Grab at Uber, pinagmumulta ng PCC

Manila, Philippines – Pinagmumulta ng P16 milyon ng Philippine Competition Commission (PCC) ang ride-hailing company na Grab at Uber matapos lumabag sa ilang kondisyong ipinataw sa merger nila.

Ayon kay PCC Commissioner Stella Quimbo, lumabag ang Grab at Uber sa Interim Measures Order (IMO) na ipinatupad ng ahensiya.

Paliwanag ni Quimbo, P4 milyong ang pinataw nilang multa sa Grab at Uber dahil itinuloy pa rin ang merger habang nagsasagawa ng review ang PCC.


Habang P12 milyon naman ang multa dahil sa hindi pagsunod ng Grab at Uber na ibalik sa dati ang presyo at incentives.

Oktubre 11 nang ibaba ng PCC ang desisyon at binigyan ng 45 araw ang Grab at Uber para bayaran ang mga multang ipinataw sa kanila habang mayroon silang 15 araw kung nais nilang iapela ang utos.

Paglilinaw naman ng PCC bagaman at may paglabag, hindi maaapektuhan ang operasyon ng Grab.

Matatandaang may nakabinbin ring multang P10 milyon ang Grab sa LTFRB kaugnay naman ng ipinataw nitong P2 per minute singil sa kanilang pasada.

Facebook Comments