Lumabas na balitang kudeta laban kay SP Escudero, pinabulaanan ng mga senador

Itinanggi ng mga senador ang lumabas na balita sa isang pahayagan na mayroon na namang namumuong kudeta sa Senado kung saan sinasabing papalitan ni Senator Cynthia Villar si Senate President Chiz Escudero.

Ayon kay Villar, hindi totoo ang balitang kudeta laban kay Escudero at siya ang papalit dito.

Giit ni Villar, patapos na ang Senado kaya bakit pa siya manggugulo.


Ayon kay Senator JV Ejercito, pawang “CHIZmis” lang ito dahil sa nakikita niya ay ayos at satisfied naman ang mga senador sa performance ni Escudero.

Sinabi pa ni Ejercito na wala namang lumapit sa kanya para kausapin at palagdain tungkol sa kudeta.

Sinabi naman ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na “rumors” o haka-haka lang ang lumabas na ulat ng pagpapalit ng liderato ng Senado.

Dagdag pa ni Estrada, dapat na manatili na Senate President si Escudero dahil sakali mang umakyat sa Mataas na Kapulungan ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay isang abogado ang magpe-preside.

Facebook Comments