Nakiisa sa online first quarter nationwide simultaneous earthquake drill ang 200,000 indibidwal.
Batay ito sa bilang ng nanood ng aktibidad sa livestream sa Facebook page ng Office of Civil Defense (OCD).
Pero kung pagbabasehan ang participants, umaabot ito sa mahigit 30,000.
Nagpasalamat naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa publiko sa kanilang aktibong pakikibahagi sa aktibidad sa pamamagitan ng 49,400 comments, at 7,300 shares ng Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) livestream.
Ayon kay NDRRMC Chairperson at Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa harap ng pandemya ay importante pa rin na maging handa sa lindol na maaaring mangyari anumang oras.
Aniya pa, responsibilidad ng isang mabuting mamamayan na hikayatin ang kanyang pamilya at komunidad sa mga aktibidad kaugnay sa kahandaan at kaligtasan.
Ito ang pangatlong pagkakataon na isinagawa “online” ang NSED mula nang magsimula ang pandemya.
Dahil naman sa pag-iwas sa COVID-19, hindi kasama sa ginawang online earthquake drill ang dating evacuation drill kung saan lumalabas ang mga kalahok mula sa kani-kanilang mga bahay at gusali.
Sa halip ay nagsasagawa nalang ng “duck, cover and hold” sa oras na tumunog ang sirena.