Manila, Philippines – Tumaas pa ang bilang ng kaso ng measles o tigdas sa bansa ngayong taon.
Sa datos ng Department of Health (DOH) mula nitong Enero hanggang Nobyembre, nasa 735% ang paglobo ng kaso.
Lumalabas na nasa 3,793 ang kumpirmadong kaso sa buong bansa sa unang 11 buwan, mataas kumpara sa 454 cases na naitala noong 2017.
Aabot na sa 48 ang namatay sa tigdas ngayong taon.
Pinakamaraming naitalang kaso ay sa National Capital Region (NCR) na may 739 cases, na sinundan ng ARMM na may 605 measles cases.
Bumaba naman ang kaso nito sa Zamboanga Peninsula na may 240 cases kumpara sa 259 na naitala noong 2017.
Ayon kay DOH Undersecretary Rolando Enrique Domingo, isa sa tinitingnang dahilan ay ang nawawalang tiwala ng publiko sa pagpapabakuna.
Dahil dito, target ng DOH na pababain ang kaso sa susunod na taon sa pamamagitan ng vaccination goals at targets.