Pinangangambahan na lalo pang iigting ang trade war sa pagitan ng Estados Unidos at China!
Inaasahan kasi ngayong araw ang mga panibagong taripa na ipapataw ng dalawang economic superpower sa isa’t-isa.
Magpapatupad ng 10% na taripa ang Trump Administration sa tinatayang 200 billion dollars na halaga ng mga produktong galing China gaya ng food seasoning, baseball gloves, network routers, industrial machinery parts at maraming iba pa.
Halos kalahati ng mga produktong ini-export ng China sa U.S. ay tatamaan ng panibagong taripa.
Ayon kay U.S. President Donald Trump ang taripa ay parusa sa China dahil sa umano ay hindi patas na pakikipagkalakalan nito sa Amerika.
Bilang ganti, magpapataw naman mula 5 hanggang 10% taripa naman ang China sa 60 billion dollars na halaga ng mga produktong galing naman sa Amerika gaya ng karne, mga kemikal, damit, auto parts at iba pa.
Dahil sa gantihan ng U.S. at China, inaasahan na tataas ang mga presyo ng mga bilihin sa pandaigdigan merkado bunsod na rin ng chain reaction ng trade war ng dalawang bansa.