Lungsod na Makati, nagdagdag ng 56 bagong nurse sa pagtugon sa COVID-19 pandemic

Inihayag ng pamahalaang lokal ng Makati City na nakapag-hire ito ng 56 na mga nurse simula pa noong buwan ng Marso bilang bahagi ng pagtugon nito sa COVID-19 pandemic.

Mula sa nasabing bilang, 38 nito ay para sa Makati Health Department (MHD) at 18 para sa Ospital ng Makati (OsMak).

Sa kabuuan, may 493 mga nurse ang nagtatrabaho sa pamahalaang lungsod na kinabibilangan ng 353 sa OsMak; 114 sa MHD; 5 sa Disaster Risk Reduction and Management Office; 14 sa Education Department; 6 sa University of Makati (UMak); at isa sa General Services Department.


Maliban sa basic salary, tumatanggap din ang health workers ng Makati ng personnel economic relief allowance, hazard pay, subsistence allowance at laundry allowance.

Prayoridad din ng pamahalaang lungsod na mabigyan ang mga nurse ng libreng swab test at bakuna laban sa flu at pneumonia, Personal Protective Equipment (PPE), at libreng bitamina at iba pang mga benepisyo.

Mula noong ipatupad ang community quarantine na dahilan upang maging limitado ang pampublikong transportasyon, nagbigay naman ang lungsod ng libreng transportasyon at matutuluyan para sa mga nurse na malayo ang tirahan.

Facebook Comments