Cauayan City, Isabela- Nasungkit ng Cauayan City ang parangal bilang kauna-unahang Smarter City sa buong bansa dahil sa agarang pagtugon nito sa mga layunin ng programa ng DOST.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay City Mayor Bernard Dy, ginawaran ng DOST sa pangunguna ni kalihim Mario Montejo bilang “Smarter City” sa buong bansa ang lungsod ng Cauayan dahil sa agarang pagbibigay nito ng mga solusyon gaya ng mga makabagong teknolohiya upang mapadali ang pamumuhay ng mga Cauayeños lalo na sa mga magsasaka.
Aniya, patuloy pa rin ang kanilang pagsisikap upang mapanatili ang kanilang natanggap na parangal at kanya ring ibinahagi na nabigyan na rin ng Internet connection ang bawat barangay para sa kanilang mas mabilis na pagtanggap ng impormasyon sa bawat isinasagawang aktibidad ng lungsod.
Samantala, pinagunahan naman ng butihing Mayor ang panunumpa ng mga Kabataang opisyal sa naganap na SK Training kamakailan dito sa lungsod ng Cauayan at aniya malaking tulong umano ang muling pagbabalik ng mga kabataan sa pamamahala mula sa loob ng walong taon na walang boses ang mga kabataan.
Hinimok naman ni Mayor Bernard Dy ang mga uupong kabataang opisyal na gamitin ang kanilang galing at pagkamalikhain upang maipatupad ng maayos ang kanilang mga gustong isulong para sa kani-kanilang mga barangay.