Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni City Mayor Bernard Dy na HINDI Total Lockdown ang Lungsod ng Cauayan.
Ito’y matapos na makapagtala ang Lungsod ng kauna-unahang nagpositibo sa Coronavirus Disease (COVID-19) na si PH4805, isang MedTech, 40 taong gulang at residente ng Brgy. Minante Uno.
Sinabi ng alkalde na HINDI SOLUSYON ang lockdown kung sa loob din naman ng mga barangay ay may nagsasama-sama, nagkukumpulan at nakatambay.
Kaugnay nito, bagamat hindi isasailalim sa total lockdown ang Lungsod ay mas magiging strikto naman sa pagpapatupad ng mga bagong direktiba sa implimentasyon ng Enhanced Community Quarantine.
Sa ordinance no. 2020-298 ay mandatory ang lahat ng mga Cauayeño at lahat ng sinumang papasok sa Lungsod na magsuot ng facemask, mga lalabas man ng bahay o magtutungo sa palengke.
Hinikayat ng alkalde na ipatupad din ito ng lahat ng mga tanggapan maging sa mga pinayagang magbukas na establisyimento.
Iistriktuhan na rin ang pag-iimplimenta sa Social Distancing lalong lalo na sa mga essential private establishments gaya ng groceries, supermarkets, pharmacies, mga bangko, at sa mga remittance centers.
Ang mga magtutungo sa mga bangko at Remittance Center ay kinakailangan nang dumaan muna sa checkpoints.
Lilimitahan na rin at may itinakdang oras na para sa mga pumapasok sa Lungsod mula sa ibang bayan na mamamalengke o bibili ng mga basic commodities.
Giit pa ni Mayor Dy, exempted sa 10 entry passes ang mga frontliners, health workers na galing sa ibang bayan maging ang mga pumapasok sa Lungsod na may kaugnayan sa pagpapagamot at emergency cases.