Cauayan City, Isabela – Pinaghahandaan na ng Lungsod ng Cauayan ang pagpapadala ng mga atleta na makikilahok sa Batang Pinoy 2019 na gaganapin sa March 16 hanggang March 23, 2019 sa City of Ilagan.
Ito ang ibinahagi ni Ginoong Jonathan Medrano, Cauayan City Sports Development Officer sa RMN Cauayan kung saan ang nasabing aktibidad ay lalahukan ng mga batang atleta mula sa buong bahagi ng Luzon.
Aniya, nasa kabuuang 45 atleta ang makikilahok mula sa Cauayan City na mga dating manlalaro ng katatapos na CAVRAA 2019.
Ayon pa kay Medrano, apat na sports events ang sasalihan ng mga atleta mula sa lungsod na kinabibilangan ng Taekwondo, Arnis, Elementary Baseball at Swimming.
Bukod dito, iniimbitahan ni Ginoong Medrano ang lahat na manuod sa nalalapit na Gawagaway-yan Festival dahil muling magkakaroon ng 3 on 3 “Beki” Basketball at 3 on 3 Isabela League sa March 30-31, 2019.
Hinihimok nito ang mga kabataan na makiisa sa pista ng Lungsod ng Cauayan dahil marami anya ang mga laro na maaring salihan na inihahanda ng pamahalaang Lungsod ng Cauayan.
Ang mananalo ay magrereprisinta para sa National Championship sa Metro Manila.