Cauayan City, Isabela – Naglabas ng Executive Order No. 44 si Cauayan City Mayor Jaycee Dy na nagsususpinde ng mga klase sa lahat ng antas, mula elementarya hanggang kolehiyo, sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Cauayan City.
Ang suspensyon ay ipinatupad ngayong hapon, ika-18 ng Hulyo 2025, bilang pag-iingat sa maaaring epekto ng Bagyong Crising na patuloy na binabantayan ng mga awtoridad.
Sa pinakahuling ulat mula sa DOST Pagasa, ang Cauayan City ay kasalukuyang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Signal No. 2 kung saan inaasahan ang malalakas na pag-ulan at hangin dulot ng bagyo na maaaring magdulot ng pagbaha at landslide, kaya’t ipinag-utos ni Mayor Dy ang agarang suspensyon ng klase upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang aksidente at maprotektahan ang mga mag-aaral at guro.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan ang patuloy na monitoring at paghahanda para sa mga posibleng epekto ng bagyo. Inaasahan ng mga awtoridad na ang panahon ay magiging mas matindi sa mga susunod na oras, kaya’t mahigpit na ipinag-uutos ang pagbibigay pansin sa mga opisyal na update mula sa mga ahensya ng gobyerno.
Ipinaabot din ng lokal na pamahalaan ang mga hotline numbers ng Cauayan City Disaster Risk Reduction and Management (CDRRM) para sa mga emergencies.
Maaari ring makipag-ugnayan sa mga numerong Globe 0917-127-8785, Smart 0999-727-5090, at Sun 0923-676-5094.









