Nanindigan si Manila Mayor Isko Moreno na maaari nang isailalim sa General Community Quarantine (GCQ) ang Lungsod ng Maynila pagkatapos ng May 15, 2020 o ang araw ng pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Yorme, mas makabubuti para sa Lungsod ng Maynila na mapaloob na sa GCQ pero dapat ay may kapangyarihan pa din ang lokal na pamahalaan na i-Lockdown ang alinmang barangay o distrito kung kinakailangan upang maiwasan na lumala at agad na ma-contain ang COVID-19.
Sa naging panukala ni Mayor Isko, mananatili din ang mga health protocols tulad ng face mask, personal hygiene at physical distancing sa lahat ng opisina, public transport at mga pampublikong lugar tulad ng palengke.
Dagdag pa ng Alkalde, priority pa din ang kalusugan at kaligtasan ng buhay habang unti-unting binubuksan ang kabuhayan.
Sa paniniwala ni Yorme, hindi kakayanin ng National at Local Government Units (LGUs) ang pamamahagi ng rice subsidy, food packs at cash assistance sa mga mamamayan kung palalawigan pa ang ECQ.
Aniya, kailangan na unti-unting buksan ang ekonomiya upang muling ibalik ang sariling kakayahan lalo na ng mga mangagawa na makapaghanapbuhay.
Ang naging pahayag ni Mayor Isko ay kasunod ng ginawang botohan ng Metro Manila Council, kung palalawigin pa ba ang ECQ o maaari nang isailalim sa GCQ ang ilang lungsod sa National Capital Region (NCR).
Samantala, Nasa ECQ o GCQ man ang Maynila, patuloy na isasagawa ng lokal na pamahalaan ang mass testing, contract tracing at isolation and treatment sa mga COVID-19 patients.
Sa kasalukuyan, ang city government ay may mahigit 70,000 Rapid Antibody Testing Kits kung saan may kasunduan din ito sa PGH at tatlong malalaking private hospitals para sa confirmatory PCR swab testing sa magpa-positive sa rapid testing.