Nakapagtala ang lungsod ng Maynila ng higit 100 bagong kaso ng COVID-19 ngayong araw.
Sa datos na ibinahagi ng lokal na pamahalaan ng Maynila, nasa 127 ang naitalang bagong kaso ng virus.
Dahil dito, umaabot na sa 825 ang bilang ng active cases sa lungsod habang nananatili sa 813 ang bilang ng nasawi.
Nasa 97 indibidwal ang naitalang nadagdag sa mga gumaling kaya’t nasa 27,447 na ang kabuuang bilang ng nakarekober at nasa 29,085 naman ang naitalang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Nangunguna sa mga lugar na may naitalang mataas na bilang ng tinamaan ng virus ang Sampaloc district na nasa 134; sinundan ng Malate na nasa 118 at Tondo District 1 na may 103 na kaso.
Patuloy na paalala ng Manila Local Government Unit na mag-doble ingat sa anumang oras, sumunod sa inilatag na health protocols at huwag maging kampante lalo na’t hindi pa nagsisimula ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga residente ng lungsod.