Mayroon ng pitong kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 sa lungsod ng San Juan.
Ito ang naging pahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay.
Ayon kay Zamora, ang dalawang bagong kaso ay dagdag sa limang kaso na nai-report ng Department of Health (DOH) kahapon.
Aniya, ang isang kaso ay lalaki na may edad 64-anyos na residente ng Barangay Greenhills at isang 28-anyos na babae na residente ng Barangay Maytunas.
Dagdag pa ng alkalde na ang dalawa ay positibo sa COVID-19 at pareho na silang nasa stable na kalagayan at inoobserbahan sa isang pribadong ospital sa Pasig.
Kaugnay nito, tinitiyak ng alkalde ang buong kooperasyon sa DOH lalo na sa contact tracing at case investigation habang nakahanda na din ang ayuda sa barangay leaders sa pagtugon sa COVID-19.
Nasimulan na rin ng alkalde ang sanitation and disinfection program gaya ng pagsasagawa ng Canon and Turbo misting sa San Juan National High School at mga kalye sa Barangay West Crame.
Sa ngayon, hindi muna daw prayoridad ni Zamora ang umuugong na isyu ng lockdown.