Manila, Philippines – Opisyal nang pagmamay-ari ng aabot sa 2,086 informal settler families ang lupang kanilang matagal nang tinitirhan sa Isla Puting Bato sa Tondo, Manila.
Batay sa impormasyon mula sa National Housing Authority (NHA), kasunod ito ng pagkaka-donate sa kanila ng 5 ektaryang lupain na pag-aari ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Tondo, Manila.
Nilagdaan na ng Philippine Ports Authority (PPA), National Housing Authority (NHA), Manila City Government, International Container Terminal Services, Inc. at Manila North Harbor Port, Inc. ang Memorandum of Understanding (MOU) ukol dito.
Nakapaloob sa kasunduan na ang mga informal settlers mula sa Isla Puting Bato ay mga benepisyaryo na ng bagong housing units sa nabanggit na lupain.
Lahat ng benepisyaro ay makakatanggap ng legal protection para sa pagmamay-ari ng housing units upang mawala na ang agam-agam na sila ay paaalisin pa.