LUSOT | Ikatlong Martial Law extension sa Mindanao, aprubado na ng Kongreso

Manila, Philippines – Aprubado na ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapalawig pa sa batas militar sa Mindanao ng isa pang taon.

Sa joint session ng Kamara at Senado, 235 ang bumoto ng YES, 28 ang NO at 1 ABSTAIN para sa martial law extension at suspension ng writ of habeas corpus mula January 1 hanggang December 31 2019.

Sa panig ng mga senador 12 ang Yes, 5 ang negative votes at 1 ang nag-abstain habang sa mga kongresista ay 223 ang bumoto ng Yes, 23 ang No at zero abstention.


Ito na ang ikatlong beses na napalawig ang martial law extension at suspensyon ng writ of habeas corpus sa nasabing rehiyon.

Matapos ipatupad ang martial law noong May 23, 2017 dahil sa pagatake ng Maute Group sa Marawi City, unang humiling ng extension sa batas militar noong July 2017 hanggang December 2017 at ikalawa naman ngayong January 1 hanggang December 31, 2018.

Ang hiling na ito ng Pangulo para sa isa pang taon na martial law sa Mindanao ay base na rin sa rekomendasyon at pagaaral sa sitwasyon sa Mindanao na ginawa ng AFP at PNP.

Inamin ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal na may presensya pa rin ng terorista at mga komunista sa Mindanao kaya kinakailangan pa rin ang pagpapatupad ng martial law.

Nauna dito ay nangako si Executive Secretary Salvador Medialdea na ipapatupad ang batas militar nang may disiplina, walang pangaabuso, may paggalang sa karapatang pantao, at mahigpit na pagsunod sa batas.

Facebook Comments