LUSOT | Kauna-unahang local public transport service board ordinance sa Pilipinas, ipinasa sa QC

Quezon City – Nakalusot na sa Quezon City council at pirmado na rin ni Mayor Herbert Bautista ang public transport service board na kauna-unahan sa bansa.

Ang nabanggit na ordinansa ay naglalayong umakto bilang lokal na tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-aaral sa posibleng mga bagong ruta at magtatakda ng sapat na bilang ng pampublikong sasakyan sa isang partikular na lugar sa lungsod.

Ayon sa author ng ordinansa na si Councilor Ramon Medalla, mabibigyang-solusyon na ang napakatagal nang problema na walang masakyan sa isang lugar habang sobra naman sa PUVs sa ibang lugar na kalimitang sanhi pa ng matinding trapiko.


Bukod dito aniya, maiiwasan na rin ang nagsulputang mga kulorum na lubhang dehado sa panig ng isang pasahero dahil wala itong matatanggap na kompensasyon sa sandaling mangyari ang isang malagim na aksidente.

Sinabi pa ni Medalla na sa pagbabago ng panahon, marami na ang nabuong mga subdibisyon at komunidad na nangangailangan ng public transport.

Napapabayaan aniya ang mga residente sa mga lugar na ito dahil LTFRB lang ang may saklaw na magtakda ng ruta pero hindi rin makapag-isyu ng prangkisa dahil matagal na may ‘moratorium’ para dito.

Napadali ang pagkakapasa ng ordinansa matapos na mismong si City Council Presiding Officer Vice Mayor Joy Belmonte ang magpahayag ng suporta para dito.

Sa ngayon ay hinihintay na lang ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng ordinansa at magsisimula nang himayin ng local transport service board ang kasalukuyang mga biyahe ng public transport sa buong Quezon City at nakatakda na silang magsumite ng kanilang report sa LTFRB.

Facebook Comments