Manila, Philippines – Aprubado na ng Kongreso ang hiling ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa nang isang taon ang martial law sa Mindanao.
Sa botong 235 na yes, 28 no at isang abstain, pinagtibay ng Kamara at Senado ang martial law extension gayundin ang suspension of the privilege of habeas corpus sa rehiyon.
Ibig sabihin, tuloy ang pag-iral ng batas militar sa Mindanao hanggang December 31, 2019.
Sa Senado, 12 senador ang bumotong pabor sa martial law extension kabilang sina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Richard Gordon, Cynthia Villar, Grace Poe, Koko Pimentel, JV Ejercito, Sonny Angara, Sherwin Gatchalian at Manny Pacquiao.
Lima naman ang hindi pumabor na sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Bam Aquino, Risa Hontiveros at Francis Escudero habang nag-abstain si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto.
Sa pagsisimula ng joint session, iginiit ni Executive Secretary Salvador Medialdea na kailangang i-extend ang martial law dahil may banta pa rin ng rebelyon sa rehiyon.
Base kasi sa datos ng AFP nasa higit 2,400 na mga kalaban ng estado pa ang nasa Mindanao ngayon.
Nangako naman si Medialdea na ipatutupad ang martial law sa Mindanao nang may disiplina, walang pang-aabuso at may paggalang sa karapatang pantao.
Ito na ang ikatlong beses na pinalawig ang martial law sa Mindanao na unang ipinatupad noong May 23, 2017 matapos ang pag-atake ng Maute-ISIS Group sa Marawi City.