Manila, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Senado ang panukalang batas na magsasaayos ng land transport terminals sa bansa.
Ayon kay Senate Public Service Committee Chairperson Grace Poe, mahalaga ang pagkakapasa ng senate bill 1749 bago mag-adjourn ang Senado.
Ani Poe, nararapat lamang na mabigyan ng maayos at malinis na pasilidad at serbisyo ang publiko.
Sa ilalim ng panukala, ang mga owner, operator o administrator ng land transport terminals, stations, stops, rest areas, maging sa mga roll-on/roll-off terminals ay inaatasang magbigay ng malinis at libreng paggamit ng sanitary facilities para sa mga pasahero.
Bukod sa malinis na banyo, nakasaad din sa proposal ang pagtatayo ng mga lactation stations para sa breastfeeding ng mga nanay.
Ang mga hindi tatalima sa panukalang batas ay pagmumultahin ng 5,000 pesos.