LUSOT NA | Panukalang Hatiin sa tatlong probinsya ang Palawan, aprubado sa pinal na pagbasa ng Senado

Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na naglalayong hatiin sa tatlong probinsiya ang Palawan.

Ito ay sa botong 14-1 habang walang nag-abstain.

Kapag naging ganap na batas, magkakaroon na ng Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur.


Ang panukala ay nagmula sa house of representatives at inisponsor ni Senator Sonny Angara sa Senado, chairman ng senate committee on local government.

Ayon kay Angara, magkakaroon pa ng isang plebesito sa 2020 kung saan kailangang makuha ang mayorya ng boto ng mga residente ng Palawan para mabuo ang tatlong magkakahiwalay na probinsiya.

Kasabay nito, nagbabala naman si Senador Risa Hontiveros na mas magkakaroon ng matatag na posisyon ang china sa West Philippine Sea kapag hinati pa sa tatlo ang Palawan.

Aniya, mas magkakaroon ng oportunidad ang China na mapasok at maimpluwensiyahan ang mas maliliit na local government units kaysa sa isang malaking probinsiya.

Bagaman aniya nagkaroon ng public hearing sa Senado at nag-imbita ng mga resources persons, mga opisyal at empleyado ng probinsiya, hindi naman napakinggan ang posisyon ng iba’t-ibang Non-Government Organizations (NGOs), people’s organizations at religious groups na kontra sa paghahati ng probinsiya.

Facebook Comments